Kahit hindi pa buong natatanggap ng National Board of Canvassers ang Certificate of Canvass galing sa tatlong probinsya, umapela na sa NBOC ang representante ng mga nangungunang kandidato sa senatorial race na magsagawa na ng proklamasyon.
Hindi pa rin natatanggap ng National Board of Canvassers ang certificates of canvass galing Lanao del Sur at Northern Samar habang kulang pa ang datos na naitatransmit galing ng Antique.
Subalit para sa kinatawan ng mga kandidatong nangunguna sa senatorial race dapat nang magsagawa ng proklamasyon ang NBOC ng 12 nanalong senador dahil hindi na makakaapekto sa ranking ang natitirang uncanvassed.
Batay sa pinakahuling canvass report na inilabas ng COMELEC, pasok sa Magic 12 sina Joel Villanuva, Senate President Franklin Drilon, Vicente Sotto the third, Ping Lacson, Dick Gordon, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Migz Zubiri, Manny Pacquiao, Win Gatchalian, Ralph Recto at si former Justice Secretary Leila De Lima na nasa pang labindalawang pwesto.
Nasa pang 13 pwesto naman si Francis Tolentino.
Tutol naman sa hiling na magkaroon na ng proklamasyon ang abugado ni Tolentino na si Atty. Wanda Talosig.
Dapat aniya magkaroon muna ng 100% transmission dahil sa kanilang paniwala may epekto pa sa resulta ang natitirang hindi pa nabibilang na mga boto.
Subalit ayon sa abugado ni De Lima kahit makuha ni Tolentino ang lahat ng boto sa 3 probinsya hindi pa rin mahahabol ang lamang ng dating Justice Secretary na nasa 1.4 million votes na.
Kahapon nagsagawa pa ng special elections sa dalawang lugar sa Antique at dalawang lugar din sa Lanao del Sur.
Maging ang kinatawan ng ilang partylist groups ay umapela rin sa NBOC na magkaroon na ng proklamasyon.
Pinagsusumite muna ng nboc ng written manifestation ang abugado ng mga kandidato pagkatapos ay pagpapasyahan ito ng en banc.
(Victor Cosare/UNTV NEWS)
Tags: Magic 12, senatorial race