Kinansela ng Philippine Coast Guard Cebu ang ilang byahe dahil sa pagtama ng bagyong Onyok sa CARAGA Region at ilang bahagi ng Mindanao

by Radyo La Verdad | December 18, 2015 (Friday) | 1536

pcg
Kanselado ang byahe ng anim na barko ng Cokaliong Shipping Lines kagabi na papunta sanang Surigao city at isang barko ng Trans-Asia na nakaskedyul sanang bumyahe sa Cagayan De Oro city.

Ang ilan pa sa mga kanseladong byahe ay papuntang Dapitan, Ozamiz at Nasipit ng Agusan Del Norte.

Ayon kay Philippine Coast Guard Cebu Station Commander Agapito Bibat na stranded ngayon sa Cebu port ang mahigit 400 pasahero.

Itinaas na sa signal # 1 ang ilang bahagi ng Mindanao.

Ilan sa mga ito ay ang Surigao Del Sur, Surigao Del Norte, Dinagat Province, Misamis Oriental, Camiguin, Agusan Del Norte, Agusan Del Sur, Davao Oriental, Davao Del Norte, Compostela Valley, Bukidnon, Lanao Del Norte At Del Sur at Misamis Occidental.

Ayon naman kay PAGASA Visayas Director Oscar Tabada na kapag patuloy ang paggalaw ni onyok pakanluran ay hindi matatamaan ang Cebu at ang ilang bahagi ng Central Visayas ngunit makakaranas pa rin ng mga pag-ulan simula ngayon hanggang bukas.

Binalaan naman ni Tabada ang Southern Cebu na maging handa dahil maaari itong matamaan kung sakaling magiba ang direksyon ng bagyong Onyok.

Patuloy naman ang pagmomonitor ng Cebu City Risk Reduction and Management Council sa direksyon ng bagyo.

Tiwala naman si CCDRRMC Chair Cebu City Councilor Joy Tumulak na gagalaw pakanluran ang bagyo kaya ligtas pa din ang Cebu city.

(Joy Dagoc / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , , ,