Kim Wong idiniin si Maia Deguito sa isyu ng 81-milyong dolyar na laundered money mula Bangladesh

by Radyo La Verdad | March 31, 2016 (Thursday) | 1968

Kam-Sin-Wong
Hindi nakadalo si RCBC Bank Manager Maia Deguito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa $81-million money laundering activity kung saan pinabulaanan ni Wong ang mga naunang pahayag ni Deguito laban sa kanya.

Ibinulgar ni Wong na si Deguito at isang Chinese national at big-time casino player na si Sua Hua Gao ang nagbukas ng limang dollar accounts sa RCBC.

Unang nagkita sina Gao at Deguito sa opisina ni Wong sa Midas casino noong May 11 o 12, 2015.

Casino agent ni Gao si Wong na nagpatulong sa kaniyang magbukas ng dollar account.

Sa limang dollar accounts na binuksan umano sa RCBC nina Deguito at Gao noong May 15, 2015, ipinasok ang 81-million US dollars noong February 5, 2016.

Pinakita ni Wong ang larawan ng cctv footage na nagpapakita ng kotse umano ni Deguito na ginamit para magdeliver ng 20-million pesos cash sa Solaire noong February 5, ala-7:57 ng gabi.

Samantalang ang 80-million pesos cash naman ay dinala ng Philrem executive na si Michael “Concon” Bautista.

May larawan din si Wong ng mismong pagdeliver niya ng kabuuang 100-million pesos cash sa Solaire junket operator noong gabi ng February 5, 2016, ala-8:07.

Ayon kay Wong hindi niya alam noong una na laundered money ang milyong dolyar na pumasok sa Jupiter accounts noong February 5 at ang nasabing pera ay nilipat umano sa mga casino account ng dalawang Chinese nationals na idinadawit sa scam.

Ayon kay Wong, isang bilyong piso rin ang trinansfer sa account ng kaniyang kumpanya.

Naging magkasalungat naman ang pahayag ng Philrem at ni Wong sa pagdinig ukol sa pagpunta ni Wong sa bahay ni Bautista, particular sa pagkakasangkot ng isang Weikang Xu.

Inihayag rin ni Wong na isa pang Chinese national na nagngangalangang ding Zhize ang tumanggap din ng pera mula sa Philrem

Ayon kay Wong sa 81 million dollars, 63 million dollars ang pumasok sa mga casinong Solaire at Midas samantalang ang 17 million dollars umano ay nasa Philrem pa.

Sa April 5, ala-una ng hapon muling ipagpapatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at inaasahang magkakaharap na sina Deguito at Kim Wong.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: , ,