Kim Wong idiniin si Maia Deguito sa isyu ng 81-milyong dolyar na laundered money mula Bangladesh

by Radyo La Verdad | March 30, 2016 (Wednesday) | 4770

rosalie_wong
Hindi nakadalo ang RCBC Bank Manager na si Maia Deguito kahapon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa $81-million money laundering activity.

Sa pagdinig ay tumestigo ang junket operator at may-ari ng Eastern Hawaii Casino na si Kam Sin Wong na unang itinuro ni Deguito na nagrefer sa kaniya ng mga indibidwal na magbukas ng dollar account sa RCBC Jupiter branch.

Pinabulaanan ni Wong ang pahayag ni Deguito.

Ibinulgar ni Wong na si Deguito at isang Chinese national na big-time casino player mula sa Beijing na si Sua Hua Gao ang nagbukas ng limang dollar account sa RCBC kung saan pumasok ang laundered money mula sa hacked Bangladesh account sa Us Federal Reserve bank.

Pinakita rin ni Wong ang larawan ng kotse umano ni Deguito na ginamit at mismong ang pagdeliver ng isang daang milyong pisong halaga sa Solaire.

Ayon kay Wong hindi niya alam noong una na laundered money ang milyong dolyar na pumasok sa Jupiter accounts noong February 5 na at ang nasabing pera ay nilipat umano sa mga casino account ni Gao.

Inamin ni Wong na nagkakahalaga ng isang bilyong piso ng sinasabing laundered money ang napunta sa kanyang companya at handa nya itong ibalik sa Bangladesh bank.

Ayon kay Go ibabalik rin nya ang 4.63 million dollar cash na kinuha nman niya mula sa bahay ni Michael Bautista ng Philrem Service Corporation, isang remittance company.

Ngunit naging magkasalungat ang pahayag ng Philrem at ni Wong sa pagdinig kahapon ukol sa pagpunta ni Wong sa bahay ni Bautista, particular sa pagkakasangkot ng isang Weikang Xu.

Inihayag rin ni Wong na isa pang Chinese national na nagngangalangang Ding Zhize ang tumanggap din ng pera mula sa Philrem.

Ayon kay Wong sa 81 million dollars, 63 million dollars ang pumasok sa mga casinong Solaire at Midas samantalang ang 17 million dollars umano ay nasa Philrem pa.

Sa April 5, ala-una ng hapon muling ipagpapatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee at inaasahang magkakaharap na sina Deguito at Kim Wong.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,