Kawalan ng pagbabago sa serbisyo ng PNR, isinisisi sa umano’y kapabayaan ng liderato ng ahensya

by Radyo La Verdad | December 12, 2018 (Wednesday) | 9931

Mahigit limang dekada nang nagseserbisyo sa mga pasahero ang orihinal na train system sa bansa, ang Philippine National Railways (PNR).

Taong 1964 pa nang magsimulang umarangkada ang PNR. Bumibiyahe ang mga tren simula sa probinsya ng La Union hanggang sa ilang mga lugar sa Bicol gaya ng Naga at Legazpi.

Ngunit dahil sa katagalan, kapansin-pansin na luma, kalawangin at karagkarag na ang mga tren. Sa kabila nito, marami pa rin sa ating mga kababayan ang matigaya pa ring tumatangkilik sa PNR upang makaiwas sa matinding traffic.

Sa datos ng PNR management, umaabot sa isang daang libo ang mga pasahero na araw-araw na sumasakay ng tren.

Mano-mano pa rin ang sistema ng pagbabayad ng pamasahe dito na nagkakahalaga mula 15.00 hanggang 60.00 piso, depende sa destinansyon ng pasahero.

Sa kasalukuyang ay nasa 62 ang tumatakbong mga tren ng PNR. Kada biyahe ay mayroong pagitan na halos tatlumpung minuto at ang mga tren ay tumatakbo sa bilis na 35 hanggang 55 kilometer per hour. Malayong malayo ito kung ikukumpara sa train system ng ilang mauunlad na bansa gaya Japan, Hongkong, Malaysia at iba pa.

Problema pa rin sa ngayon ang mga informal settler na nakatira sa tabi ng riles na siyang nagtatapon ng mga basura at kadalasan ay naghahagis pa ng kung anu-ano sa dumadaang tren.

Ang kawalan ng umano’y pagbabago sa sistema ng PNR ay isinisis ngayon sa namumuno sa ahensya na si General Manager Junn Magno.

Ayon sa presidente ng Bagong Kapisanan ng mga Mangagawa sa PNR, wala umanong inire-release na budget ang pamunuan ng PNR para sa pambili ng diesel at spare parts para sa mga tren. Ito anila ang dahilan kung bakit kakaunti ang mga tumatakbong tren kaya’t nakakansela ang dalawa o mahigit pang biyahe kada araw.

Kasama rin sa kanilang inirereklamo ang umano’y hindi pagpayag ni Magno sa pagtanggap mga donasyong tren na pinaglumaan ng Japan. Inaasahan sana na makatutulong ito upang madagdagan ang bilang ng mga nagseserbisyong nga tren sa mga pasahero.

Sa halip na tumanggap ng donasyon, mas gugustuhin pa umano ni Magno na bumili ng mga bagong tren sa Indonesia.

Bukod pa rito, problema rin anila ang umano’y hindi pagbibigay ng kaukulang benepisyo sa nasa isang libo at dalawang daang nga mangagawa sa PNR.

Ayon naman sa tagapagsalita ng PNR na si Joseline Geronimo, sa ngayon ay hawak na ng Civil Service Commission ang reklamo at itangging mayroong mismanagement sa ahensya.

Sa ngayon ay inihahanda na umano ni GM Magno ang tugon sa isyu at tiniyak na bibigyang pansin ang hinaing ng mga mangagawa sa PNR.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,