Handa man ang mayorya sa mga paaralan sa bansa para sa pagbubukas ng klase.
Ayon sa Department of Education (DepEd), may mga paaralan pa rin sa bansa lalo na sa mga malalayo at liblib na lugar na nananatiling walang koneskyon ng tubig at kuryente.
Tinututukan at patuloy naman ang pakikipag- ugnayan ng DepEd sa mga otoridad at stakeholders upang masolusyunan ang problemang ito sa mga naturang paaralan.
Isa pa sa hamon na kinakaharap ng DepEd ngayon ay ang kakulangan ng mga aklat.
Ayon kay Usec. Umali, kulang ang bilang ng mga nailimbag na mga aklat para sumapat sa mga paaralan ngayong school year 2018-2019.
Samantala, isa naman sa mga mabuting balita ng DepEd ang pagkakaroon ng sapat na mga guro sa mga mag- aaral sa bansa, kumpara sa sitwasyon dati kung saan nasa 1:70 ang teacher student ratio.
Ngayon ay naabot na ng kagawaran ang teacher-student ratios na 1:25 sa kindargarten, 1:35 sa elementary at 1:45 sa high school students.
Nguni’t may mangilan-ngilan pa rin anilang paaralan sa Metro Manila ang siksikan ang mga estudyante dahil kulang na ng lugar upang pagtayuan ng mga paaralan.
Payo ng DepEd sa mga magulang, i-enroll ang kanilang mga anak sa malapit na paaralan sa kanilang lugar na mababa lang ang enrollees upang makapag-aral sila ng maayos at matutukan ng bawa’t guro.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )