Kaunting bilang ng mga mag-aaral, problema sa isang elementary school sa Concepcion, Iloilo

by Radyo La Verdad | June 8, 2018 (Friday) | 17886

Isa sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda noong 2013 ang hilagang bahagi ng Iloilo. Kabilang dito ang isla ng Maliog-liog sa bayan ng Concepcion kung saan nasira ang mga bahay at paaralan.

Kaya naman nang magkaroon ng pabahay ang National Housing Authority (NHA) sa main land, agad na nagsilikas doon ang apektadong pamilya. Ngunit dahil dito ay bumaba ang bilang ng mga estudyante.

Kung problema sa ibang paaralan ang siksikan ng mga mag-aaral sa classroom, sa Maliog-liog Elementary School naman ay maluwag ang mga silid-aralan.

Nasa tatlumpu’t siyam  na lamang ang mga estudyante mula grade one hanggang grade six kaya bakante ang ibang classroom.

Ayon sa Department of Education (DepEd), posibleng ipasara na ang naturang paaralan kapag tuluyan bababa o wala nang enrolees. Ililipat din sa ibang lugar ang mga guro.

Sa ngayon nagpapatupad ng multigrade classes ang DepEd sa walong paaralan sa bayan na kaunti ang mga estudyante. Sa isang kuwarto dalawa o tatlong grade level ang tinuturuan ng isang guro.

Si Danthea Marie Gabayeron ay isa sa teacher na pinagsasabay ang klase sa iisang classroom.

Bagaman dumaan siya sa multigracde classes training, mahirap pa rin aniya i-handle ang lahat ng mga bata lalo’t critical age learner ang kanyang mga tinuturuan. Gabi palang ay inihahanda na niya ang tatlong lesson plan na gagamitin kinabukasan.

Ayon pa kay Danthea upang maturuan niya ang lahat ng mga bata binibigyan muna niya ng set work ang dalawang grade level upang makapaglecture sa isa.

Challenge din kung paano matututo ang mga bata dahil kulang sa mga visual aids at school materials.

Bagaman mahirap ang kaniyang kalagayan, natutunan nitong mahalin ang trabaho upang makapagturo sa mga bata.

 

( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )

Tags: , ,