METRO MANILA – Matagumpay na naipatama sa isang asteroid ang Double Asteroid Redirection Test (DART) spacecraft ng National Aeronautics and Space Administration o NASA nitong September 27 matapos ang 10 buwang pananatili nito sa kalawakan.
Sa isang misyon na pinamahalaan ng Johns Hopkins University Applied Physics Laboratory sa Laurel, Maryland, sinadyang ibinangga ang DART spacecraft sa asteroid moonlet na Dimorphos na may diametrong aabot sa 160 meters at naka-orbit sa mas malaking asteroid na Didymos na may diameter na 780 meters.
Ang DART ay kauna-unahang planetary defense system sa mundo na naglalayong ilihis ang direksiyon ng mga asteroid o kometa na maaaring maging banta kung tatama sa daigdig.
Patuloy namang oobserbahan ng investigation team ng NASA ang mga pagbabago sa orbit na daraanan ng nasabing asteroid gamit ang mga ground-based telescope matapos ang matagumpay na misyon.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)