Kauna-unahang Oplan Baklas, isinagawa ng COMELEC at PNP sa isa sa election hotspots sa Nueva Ecija

by Radyo La Verdad | April 21, 2016 (Thursday) | 3133

GRACE_OPLAN-BAKLAS
Pinagbabaklas ng COMELEC at Philippine National Police ang mga illegal election poster at tarpaulin sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija.

Unang beses itong ginawa sa Jaen na isa sa mga itinuturing na election hot spots sa Nueva Ecija.

Sa nasabing operasyon, pinagtatanggal ng COMELEC ang mga materyales ng mga kandidato na naka-paskil sa poste ng kuryente at mga punong kahoy sa gilid ng kalsada.

Maging ang mga nakasabit sa kawad ng kuryente, municipal boundary at barangay hall ay pinagbabaklas rin ng COMELEC.

Ngunit ang bulto ng illegal campaign materials ay nakulekta nila sa palengke ng Jaen.

Inihayag rin ni Jaen COMELEC Supervisor Amiremnus Zerrudo na hindi pa man sila nagsisimulang magbaklas ay may natanggap na silang pagbabanta mula sa ilang pulitiko.

Sa kabila nito, itinuloy pa rin nila ang operasyon alinsunod sa omnibus election code.

Iipunin naman ng COMELEC ang mga nabaklas na illegal campaign materials upang gamiting katunayan ng kanilang paglabag.

Muli namang nagpaalala ang COMELEC sa mga kandidato at supporters na huwag magpapaskil ng campaign posters sa mga ipinagbabawal na lugar upang huwag masampahan ng reklamo.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,