METRO MANILA – Nakatakdang maglunsad ng kauna-unahang Offshore Wind Roadmap sa bansa ang Department of Energy (DOE) at World Bank Group (WBG) sa Abril 20 na naglalayong palakasin ang kontribusyon ng wind power sa kabuuang enerhiya ng Pilipinas.
Ayon sa DOE, inihahanda na ng 2 ahensiya ang roadmap sa ilalim ng joint Energy Sector Management Assistance Program (ESMAP)-International Finance Corporation Offshore Wind Development Program na naglalayong i-tap ang 178-gigawatt offshore wind potential ng bansa sa pamamagitan ng offshore wind facilities na itinayo sa ibabaw ng mga anyong tubig tulad ng mga karagatan.
Iminungkahi rin ng DOE na isang pagkakataon ang hakbang na ito upang sumuporta ang Pilipinas sa sustainable energy systems at lisanin ang paggamit ng karbon.
Makatutulong ang mga wind energy project tulad ng Offshore Wind Roadmap upang makamit ng Pilipinas ang mga target nito na pataasin ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix ng 35% sa taong 2030 at 50% naman sa taong 2040 sa ilalim ng National Renewable Energy Program.
(Andrei Canales| La Verdad Correspondent)