Tatlong daan na mga Filipino at International athletes ang nakiisa sa isinagawang laser-run competition sa Ormoc City noong Sabado.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ginanap ang naturang international sports event sa Pilipinas at pangalawang beses na naisagawa sa Southeast Asia. Bahagi ito ng sports tourism campaign ng Ormoc City.
Ayon kay Mayor Richard Gomez ng Ormoc City, ang laser-run ay run and shoot event na ginagamitan ng laser gun.
Dagdag pa ng alkalde, target nilang makapagsagawa ng mga ganitong international event sa syudad taon-taon hanggang sa makapagsagawa na ng full modern pentathlon dito. Ito ang combination ng run, shoot, swim, fencing at horse back riding.
Aniya, kahit sino maaaring makasali sa laser-run, mula sa mga kabataan, syam na taon pababa hanggang sa katandaan na singkwenta anyos pataas.
Dagdag pa niya, hinihikayat nila na maging aktibo sa sports ang mga Ormocanon lalo na ang mga kabataan, hindi lang para maging physically fit at makadevelop ng healthy lifestyle kundi upang mailayo sila sa masasamang bisyo kagaya ng droga.
Sa ngayon, nasa 60 million ang budget ng lokal na pamahalaan ng Ormoc para sa sports, bahagi umano nito ang pondo para sa pagpapaayos ng sports facities at mga programa para sa mga mag-aaral.
( Archyl Egano / UNTV Correspondent )
Tags: laser-run, Ormoc City, Pilipinas