June 26 o ilang linggo bago ang Kadayawan festival sa Davao City isang mortar round ang narecover ng mga pulis sa barangay Mandug.
Isa 60mm mortar round na ipinasok sa loob ng case ng 81mm mortar round.
Pero paglilinaw ng pulisya isang illumination round lamang ito.
Sa pagsisiyasat ng mga bomb expert lumalabas na galing sa labas ng bansa ang naturang mortar round.
Iniimbestigahan na rin sa ngayon ng mga otoridad kung ang natagpuang mortar round ay may kaugnayan sa nangyaring pambobomba sa lungsod noong Biernes ng gabi.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na isang improvised explosive device na ginamitan ng 60mm at 81mm mortar rounds ang ginamit sa Roxas Avenue night market bombing.
Samantala, naniniwala naman ang Philippine Drug Enforcement Agency Region 11 na may posibilidad ang anggulong narco terrorism sa Davao blast.
Ayon kay PDEA Region 11 Director Adzar Albani, dahil sa anti illegal drugs operation ng pamahalaan, apektado na ang multi billion peso industry.
Apektado na rin ang mga narco politician sa ginagawang pagpapangalan sa kanila ng pangulo.
Kasama rin sa listahan ng pangulo ang 12 alkalde mula sa Lanao del Sur at Maguindanao na matagal na rin nilang sinusubaysayan.
Subalit wala pang ibinibigay na konkretong pahayag ang PNP kung sinong grupo ang nasa likod ng pambobomba sa lungsod ng Davao.
(Victor Cosare/UNTV Radio)