Kaugnayan ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Davao death squad, iniimbestigahan ng NBI

by Radyo La Verdad | May 25, 2015 (Monday) | 4058

de lima
Kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa koneksyon nito sa tinaguriang Davao Death Squad.

Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, isang dating hitman umano ng grupo ang lumapit sa NBI at nais maging testigo sa kaso.

Hindi pinangalangan ng kalihim ang testigo ngunit nasa pangangalaga umano ito ngayon ng Witness Protection Program.

Nilinaw naman ni De lima na hindi niya ito ipinahayag dahil isa si Duterte sa posibleng kumandidato sa pagka pangulo sa susunod na taon.

Dati na umano nilang inimbestigahan ang alkalde at ang mga kaso ng extra judicial killings noong siya pa ang Chairperson ng Commission on Human Rights.

Sinabi pa ng kalihim na mas nakababahala kung tinatanggap ng taumbayan ang ganitong kaisipan na papatayin na lamang ang pinaghihinalaang kriminal kaysa dalhin ito sa hukuman. (Roderic Mendoza/UNTV News)

Tags: , , ,