Katarungan para sa ‘Morong 43’, ipinanawagan sa isang rally sa Sandiganbayan

by Radyo La Verdad | March 30, 2017 (Thursday) | 2948


Isang kilos protesta ang isinagawa ng Justice for the Morong 43 Alliance sa harapan ng Sandiganbayan kanina.

Panawagan nila na mapabilis ang resolusyon sa mga kasong inihain laban sa mga tauhan ng pulisya at militar na umaresto sa kanila noong February 2010.

Ang Morong 43 ay ang apat na pu’t tatlong health workers na hinuli sa Morong, Rizal sa alegasyong trainee sila sa paggawa ng bomba ng rebeldeng New People’s Army.

Taong 2015 nang alisin ng Ombudsman sa listahan ng mga dapat kasuhan sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, General Delfin Bangit, General Victor Ibrado at dating National Defense Secretary Norberto Gonzales.

Walong sundalo at dalawang pulis lamang ang nakasuhan dahil sa paglabag sa karapatan ng mga inarestong health workers.

Ngunit giit ng grupo, dapat makasuhan si Arroyo at dalawang military officials dahil imposible umanong walang alam ang mga ito.

Sa ngayon ay nakabinbin pa sa Supreme Court ang apela ng grupo.

Ngayong araw sana ang arraignment ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines na nakasuhan subalit ipinagpaliban ito ng Sandiganbayan sa May 24 dahil sa nakabinbing mga mosyon.

(Mon Jocson)

Tags: , ,