Kasong kriminal, inihahanda ni Sec. Vitaliano Aguirre laban kay Sen. Risa Hontiveros

by Radyo La Verdad | September 15, 2017 (Friday) | 4306

Desidido si Justice Sec. Vitaliano Aguirre na kasuhan si Sen. Risa Hontiveros dahil sa pagsasapubliko sa umano’y usapan nila sa text message ni dating Congressman Jing Paras.

Ayon sa kalihim, posibleng magsampa na siya ng demanda sa Sandiganbayan sa susunod na linggo. Maghahain din siya ng ethics complaint sa senado. Plano rin ng kalihim na magsampa ng demanda sa RTC upang humingi ng danyos sa ginawa ng senadora.

Handa naman si Hontiveros na harapin ang demanda ng kalihim. Iginiit nito na walang nilabag sa karapatan ni Aguirre. Hindi aniya sinasadya na makunan ng camera ang text message ng kalihim kung saan pinamamadali nito ang pagsasampa ng reklamo laban sa senadora.

Ngunit ayon kay Aguirre, patunayan dapat ng source na photographer ng senadora na aksidente lamang ang pangyayari. Dagdag pa ng kalihim, apat na beses na nilabag ni Hontiveros ang Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Act. Magmula sa umano’y pakikipagsabwatan nito upang kunan ng litrato ang kanyang cellphone, ang mismong pagkuha ng litrato, ang umano’y validation na ginawa dito ng mga eksperto at hanggang sa paggamit ng mga ito ni Hontiveros sa kanyang privilege speech.

Paliwanag ng kalihim, sakop lamang ng immunity ang talumpati ng senadora pero hindi ang pagsasapubliko nito sa litrato ng kanyang text message.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,