Iniisa-isa ni Senior Associate Justice Antonio Carpio sa kanyang disenteng opinyon ang mahalalagang elemento ng kasong illegal drug trading na gaya ng kinakaharap ni Sen. Leila de Lima.
Para tumayo ang kaso, kailangang maipakita kung sino ang nagbenta, sino ang pinagbentahan, anong klaseng droga ang ibinenta at ang kumpirmasyon ng naging transaksyon.
Wala aniya ito sa kaso ni de Lima kung saan sinasabi lamang na tumanggap si de Lima ng sampung milyong pisong drug money at isandaang libong piso na lingguhang “tara” bawat isa sa mga high profile inmate sa New Bilibid Prison.
Para kay Justice Carpio, peke at imbento lamang ang kaso kay de Lima at malaking inhustisya kung papayagan ng korte na patuloy itong makulong at dahil nangyari ang alegasyon noong kalihim pa ng DOJ si de Lima, dapat aniya na ang Sandiganbayan at hindi RTC ang lumitis dito.
Pabor naman si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ipawalang-bisa ang pag-aresto kay de Lima at ilipat sa Ombudsman ang imbestigasyon sa kaso.
Naniniwala naman sina Associate Justice Estela Perlas-Bernabe, Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa na dapat i-dismiss ng Muntinlupa RTC ang kaso laban kay de Lima.
Ayon kay Justice Bernabe, walang jurisdiction sa kaso ang RTC kaya’t dapat lamang na i-dismiss ito ni Judge Juanita Guerrero.
Sabi naman ni Justice Leonen, kilalang kritiko ng administrasyong Duterte si de Lima at isinampa lamang ang kaso upang patahimikin ito.
Ayon naman kay Justice Caguioa, nagmalabis sa kapangyarihan at hindi makatwiran ang ginawa ni Judge Guerrero kayat tama lang na dumulog sa Korte Suprema si de Lima.
Para naman kay Justice Francis Jardeleza, nilabag ng Huwes ang karapatan ni de Lima nang ipaaresto nito ang senadora kahit hindi pa nareresolba ang pagtutol sa kanyang hurisdiksyon sa kaso.
Maaari pang umapela si de Lima sa desisyon ng Korte Suprema, ngunit dalawang mahistrado ang kailangang magbago ng posisyon upang mabaliktad ang desisyon at pumabor ito sa kanya.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )
Tags: Illegal drug trading, Justice Carpio, Sen. Leila De Lima