Kumpiyansa ang Department of Justice na malaking tulong ang paglutang ng dating aide at sinasabing bagman na si Ronnie Dayan upang umusad ang mga kaso laban kay Senator Leila de Lima kaugnay ng umano’y operasyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.
Sa isang mensahe, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na sa pamamagitan ni Dayan ay mabibigyang linaw ang mga akusasyong ipinupukol kay de Lima.
Kabilang na rito ang umano’y pagtanggap ng milyung-milyong halaga ng pera mula sa mga drug lord para sa kanyang election campaign.
Pagkakataon na rin aniya ito ni Dayan upang isiwalat ang katototahan at linisin ang kanyang pangalan sa isyu ng drug trade sa Bilibid.
Kinumpirma rin ng kalihim na posibleng isailalim sa Witness Protection Program si Dayan sa oras na mapatunayan nito sa DOJ na makatwiran siyang bigyan ng espesyal na protection.
Una nang inamin ng senadora ang naging relasyon kay Dayan ngunit mariing itinangging tumanggap siya ng pera o may kuneksyon sa mga drug lord.
Samantala, kinumpirma ni Sen. de Lima na natanggap na niya ang subpoena ng DOJ ngunit hindi siya haharap sa preliminary hearing sa December 2 para reklamong drug trafficking, graft at bribery.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: DOJ, Kaso vs. Sen. Leila de Lima, palalakasin ng paglutang ni Ronnie Dayan