Kaso ng UST law student na namatay umano sa hazing , iniimbestigahan na ng Manila Police District

by Radyo La Verdad | September 19, 2017 (Tuesday) | 2272

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Manila Police District kaugnay sa insidente ng pagkamatay ng isang law student habang katatapos lamang ng mga magulang nito na pumirma sa sinumpaang salaysay dito sa MPD headquarters.

Ayon sa MPD, pasado alas onse ng umaga noong ay tumawag sa kanila ang Chinese General Hospital para iulat ang isang di nakikilalang lalaki na dead on arrival na ospital.

Base sa paunang imbestigasyon ng MPD, napagalaman na ito ay si Horacio Tomas Topacio Castillo III, 22 taong gulang na nakatira sa #6 Arguilia St. San lorenzo Village, Makati City.

Natagpuan ang labi ng biktima ng isang medical technologiest ng San Lazaro Hospital na si Paul Solano Sarrate dakong alas 7:50am kahapon sa kanto ng H.Lopez Blvd. at Infanta st. sa Balut, Tondo sa Maynila. Agad itong pumara ng sasakyan at dinala naman ito sa Chinese General Hospital subalit dakong 9:20am ay ideneklara na itong patay.

Nagtamo ang biktima ng hematoma o pamumuo ng dugo sa itaas ng 2 braso nito at may mga gasgas at patak ng kandila sa ibat-ibang bahagi ng katawan.  Sa Archangel Funeral Homes na isinagawa ang autopsy sa labi ni Castillo.

Nangangalap na ng ibidensya ang mga otoridad sa ikareresolba ng kaso kasama na ang CCTV sa lugar kung saan natagpuan ang labi nito. Hawak na rin ng MPD ang mga damit na nakabalot sa biktma nang matagpuan ito. Gagawa naman ng progress report ang PNP kapag nabasa na nila ang sinumpaang salaysay ng mga magulang nito.

Sa isang statement na inilabas ng UST Faculty of Civil Law, nakarating na sa kanila ang ulat ng pagkamatay ng law student na si Horacio Castillo. Agad nitong sinuspindi ang lahat ng mga officers at members ng Aegis Juris Fraternity at pinagbawalan na makapasok ang mga ito sa campus habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Humihingi naman ng hustisya ang mga magulang ng biktima habang ang mga labi nito ay ililipat sa Heritage Memorial Park sa Taguig.

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

 

Tags: ,