Kaso ng smuggling sa bansa, pinangangambahang tumaas dahil sa TRAIN law – Customs

by Radyo La Verdad | March 26, 2018 (Monday) | 6680

Naghahanda na ngayon ang Bureau of Customs sa posibleng pagtaas ng bilang ng smuggling cases sa bansa.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, marami ang magtatangka na ipasok ng iligal ang mga kargamento sa bansa dahil sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Bunsod nito, pabibilisin ng BOC ang pagresolba sa mga smuggling case.

Lahat ng smuggling case ay reresolbahin ng BOC sa loob lamang ng isang buwan at makapaglalabas na ng resolusyon sa loob lamang ng tatlumpung araw.

Aminado ang BOC na tumatagal ng ilang taon ang mga kaso bago maresolba dahil sa kawalan ng maayos na sistema.

Pinagmumulan rin aniya ng korapsyon ang mahabang panahon na pagkakabinbin ng mga smuggling case. Dahil dito, malaking pera ang nawawala sa bansa dahil sa smuggling.

Sa isang pag-aaral na ginawa ng Federation of Philippine Industries (FPI), 1.33 trillion pesos ang nawala sa bansa simula taong 2002 hanggang 2011.

Lahat ng ito ay dahil sa smuggling na nangyayari sa mga pantalan sa buong bansa.

Ayon kay Lapeña, nais nilang pabilisin ang pagresolba sa mga kaso upang maiwasan ang pagkawala ng malaking halaga na dapat sana ay ibinibayad ng mga importer sa pamahalaan

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,