Kaso ng malnutrisyon sa mga evacuation center sa Albay, mahigpit na binabantayan ng DOH

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 4989

Aminado ang Department of Health Region V na hindi sila nakatitiyak kung sapat ba ang nutrisyon na nakukuha lalo na ng mga bata sa mga evacuation centers. Lalo na kung ang tanging inaasahan lamang ng bawat pamilya ay ang relief goods na ipinamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Albay.

Kaya naman, inilunsad ng DOH sa Bantayan National High School sa Tabaco City ang “One egg a day is ok program” upang masapatan ang pangangailangan na nutrisyon ng mga evacuee.

Pinakain ng isang pirasong itlog ang mga batang 6 na buwan  hanggang 4 taong gulang, mga buntis at lactating mothers gayun din ang mga senior citizen.

Ang programang ito ay makakatulong na din upang huwag ng madagdag pa ang 75 mga batang malnourished na naitala ng kanilang ahensya na nasa 56 na mga evacuation centers.

Target ng kagawaran na mapakain ng itlog ang labing apat na libong bata, buntis at matatanda tatlong beses sa isang linggo.

Sa araw na ito ay sabay-sabay na pakakainin ng ahensya ang nasa 56 na mga evacuation centers.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Tags: , ,