Kaso ng karahasan laban sa mga mamamahayag sa ilalim ng Duterte administration, umakyat na sa 85

by Radyo La Verdad | May 4, 2018 (Friday) | 2922

Sa loob ng dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, umabot na sa 85 ang kaso ng pangigipit sa malayang pamamahayag.

Ayon ito sa datos ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), Center for Media Freedom and Responsibility, Philippine Press Institute at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

Nakapaloob sa ulat ang 9 na media killings, 16 na libel cases, 14 na online harrasment, 11 death threats at 6 na kaso ng slay attempt.

Kaya naman nababahala ang mga ito dahil lubhang mataas anila ang bilang kung ikukumpara sa mga nagdaang administrasyon.

Nanindigan naman si PCIJ President Malou Mangahas na hindi ito dapat makahadlang sa karapatan ng mga mamamahayag na maihatid sa publiko ang mga impormasyon na dapat nilang malaman.

Samantala, pinabulaanan naman ng Malakanyang ang mga ulat na lumala ang kaso ng pang aabuso sa mga mamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kinukundena rin ng Malacañang ang mga kaso ng pamamaslang sa mga kawani ng media at simbahan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nakahanda rin ang pamahalaan na bigyan ng seguridad ang mga mamamahayag na may credible threat sa kanilang mga buhay.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,