Kaso ng dengue sa lalawigan ng Bulacan, patuloy pa rin na tumataas

by Radyo La Verdad | November 11, 2015 (Wednesday) | 1915

NESTOR_DENGUE
Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga biktima ng dengue sa lalawigan ng Bulacan kaya naman patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga lugar na pinakamataas ang kaso nito.

Sa pinakahuling tala ng Bulacan Provincial Epidemiology Surveillance Unit o PESU, mula nang isailalim sa state of calamity ang lalawigan noong September 30, 2015, umakyat na sa halos limampung porsyento ang itinaas ng kaso ng dengue sa lalawigan.

Mula sa 4,771 noong Oktubre ay umakyat ito sa 7,161 ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa lalawigan.

Halos limampung porsiyento ang itinaasa nito.

Umakyat na rin sa labingwalo ang nasawi dahil sa naturang sakit.

Ayon naman kay Dr.Jocelyn Joy Gomez, Public Health Officer ng Bulacan,patuloy ang kanilang mga ginagawang hakbang upang makontrol ang dengue virus.

Bawat barangay at bayan sa Bulacan ay may takdang araw para isagawa ang mist-blowing operations.

Samantala lahat naman ng public hospital ay kinakailangan sumunod sa pinatutupad na dengue expresslane, prayoridad nitong asikasuhin ang mga may sakit na posibleng tinamaan ng dengue virus.

Ayon kay Dr.Gomez, inaasahan nilang bumaba na ang kaso ng dengue ngayong buwan dahil maaring tinangay na umano ng mga pagbaha ang mga itlog ng dengue-carrying mosquitos.

Subalit posible rin umanong tumaas pa ito kung di naman nalilinis ang paligid.

Paalala ng lokal na pamahalaan, ugaliing panatilihin ang kalinisan ng paligid upang makaiiwas di lamang sa dengue kundi maging sa ibang pang karamdaman.(Nestor Torres/UNTV Correspondent)

Tags: ,