Kaso ng dengue sa Cavite, tumaas ng 75%

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 3247

Ikinababahala ng Cavite Provincial Health Office ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lalawigan ng Cavite.

Posible anilang tumaas pa ito ngayong pumasok na ang panahon ng tag-ulan dahil mas maraming mga naiipong tubig na maaaring pamahayan ng lamok.

Ayon sa Cavite Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), 75% na ang itinaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng dengue sa lalawigan ngayong taon kumpara noong 2017.

Mula sa 1,403 na kaso mula Enero hanggang Hunyo noong nakaraang taon, umakyat na ito sa 2,462 ngayong 2018 sa kaparehong panahon.

Nasa labing dalawa na rin ang naitatala ng PESU na namatay sa lalawigan kumpara sa anim noong nakaraang taon.

Sampung bayan sa Cavite ang naitala na may pinakamataas na kaso ng dengue; ito ang Bacoor City, General Trias City, Imus City, Naic, Dasmariñas City, Tanza, Rosario, Silang, Trece Martires City at Noveleta.

Kaya naman nananawagan sila sa mga local government unit at mga mamamayan na pakikipagtulungan sa kampanya kontra dengue at panatilihing malinis ang paligid.

Paalala naman ng kagawaran na kung sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue ay agad na magpakonsulta sa doktor.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,