Kaso ng dengue at leptospirosis, inaasahang tataas pa dahil sa patuloy na pag-ulan

by Radyo La Verdad | July 19, 2018 (Thursday) | 5214

Tataas pa ang kaso ng leptospirosis at dengue sa mga susunod na linggo dahil sa pagbaha dulot ng patuloy na pag- ulan sa ilang lugar sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, may 623 na kaso ng leptospirosis mula ika-1 ng Enero hanggang ika-14 ng Hulyo ngayong taon at 68 na ang namamatay sa naturang sakit.

Tumaas naman sa 8,223 ang dengue cases kung saan mas mataas ito ng 17% kumpara sa kaparehas na panahon noong 2017.

Inanunsyo na ng DOH nitong mga nakaraan na may 29 na barangay sa Metro Manila ang may leptospirosis outbreak. Karamihan sa mga naitalang kaso ay mula sa Quezon City na umabot sa 201.

Ang naturang barangay ay isa sa mga bahaing lugar at hindi maiiwasan ng mga residente doon ang lumusong sa tubig baha gaya ni Mang Ruben.

Binigyan siya ng doxycycline dahil mayroon siyang mga sugat sa paa na matagal maghilom dahil sa diabetes. Kwento niya, hindi niya maiiwasang lumusong sa baha dahil pinapasok ng tubig ang unang palapag ng kanilang bahay tuwing tag-ulan. Takot siyang magkasakit dahil nagka-leptospirosis na rin ang dalawa niyang anak.

Paalala ni Sec. Duque, huwag mag-self medicate dahil ang doxycycline ay isang antibiotic.

Ibibigay lamang ang 200 milligrams na gamot sa mga hindi makakaiwas na lumusong sa baha at dapat nila itong inumin isang beses sa isang linggo.

Makasasama din ito sa mga buntis kayat pinakamabuting kumonsulta sa doktor para sa tamang antibiotic.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,