Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, unti-unti nang bumababa pero bilang ng mga tinatamaan ng severe at critical cases dumadami ayon sa Philippine College of Physicians

by Erika Endraca | September 23, 2020 (Wednesday) | 8558

METRO MANILA – Nakapagtala kahapon ang Department Of Health (DOH) ng mahigit sa isang libo at anim na raang bagong kaso ng COVID-19.

Mas mababa na ito kung ikukumpara sa mga naitalang datos noong Agosto na pumapalo sa apat hanggang anim na libong bagong kaso.

Ayon sa Philippine College of Physicians nakakita na sila ng unti-unting pagbaba sa bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Malaki anila ang naitulong ng 2 Linggong Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at iba pang mga lugar noong nakaraang buwan, sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.

Pero sa kabila nito, nababahala pa rin ang mga doktor dahil sa dumaraming mga pasyente na tinatamaan ng severe at critical cases sa mga nakalipas na araw.

Sa datos ng DOH, nasa 350 ang severe cases at 246 ang critical na naitala noong August 1.

Umakyat pa ito sa mahigit anim na raang severe cases at 908 na critical noong September 1.

Pero kahapon (September 22)  tumaas pa sa 751 ang severe at 1,730 na ang critical cases.

“Nanduon po tayo sa papunta sa flattening so ang ibig sabihin po nito hindi po tayo pwedeng magrelax.” ani  Vice President,Philippine College Of Physicians Dr.Maricar Limpin.

Bagaman nakakakita ng unti-unti pagbaba ng kaso ng COVID-19, hindi pa inirerekomenda na PCP na alisin na ang ipinatutupad na quarantine restrictions, upang maiwasan ang muling pagdami ng mga pasyente.

“Maybe when we come to a point na talagang mababa na po ang mga kaso then that’s the time na medyo pwede na tayo magloosen up ng ating mga preventive measures o quarantine measures na ito” ani Vice President,Philippine College Of Physicians Dr. Maricar Limpin.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,