Kaso ng COVID-19 sa ilang probinsya sa bansa, patuloy na tumataas

by Erika Endraca | June 28, 2021 (Monday) | 3919

METRO MANILA – Nangangamba ang League of Provinces of the Philippines sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga nasasakupang lugar.

Ayon sa presidente ng grupo na si Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., nakita nilang may mga hawahan sa mga establisimiyento na ang posibleng pinagmulan ay ang pagkukuwentuhan ng mga trabahador habang kumakain.

Dahil dito, ibinilin na rin nila ang pagsusuot ng face mask kahit sa loob ng tahanan.

Naghigpit din sila sa mga boarder sa pagpapatupad ng mga health protocol at may mga lalawigan na hindi muna nagpapapasok ng mga banyaga.

“Talagang medyo alarmado kami dahil mataas at parang mabilis yung hawahan. Ang tingin namin dito ay parang itong variant na ito ay malamang yung variant ng delta o yung galing sa India.” ani League of Provinces of the Philippines President, Gov. Presbitero Velasco Jr.

Ayon kay Velasco, dapat ay sa mga lalawigan na dalhin ang mga bakunang hindi nangangailangan ng mas malamig na temperatura.

Dahil kulang sa pasilidad ang ibang lokal na pamahalaan para hawakan ang mga bakunang gaya ng Pfizer at Moderna.

“Ang suggestion nila, yung mga available na bakuna na pwede naman sa probinsya yun ang i-allocation sa mga lalawigan na madami ang infection at ilaan na ngayon yung Pfizer dito sa mga lungsod na mataas yung infection rate” ani League of Provinces of the Philippines President, Gov. Presbitero Velasco Jr.

Samantala, sinabi naman ni Velasco na dapat pa ring pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mandatory face shield policy.

Noong nakaraang Linggo, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng pagsusuot ng face shield sa mga indoor at outdoor public spaces dahil sa banta ng COVID-19 variants.

“Necessary ba yung face shield sa hinaharap na problema? Eh kung hindi naman yun yung makakasolve sa problema at hindi rin naman tama o proper yung ganyang regulasyon eh baka tamaan yun ng pagiging unconsitutional . Dahil nakalagay yan sa constitution na kailangan yung regulasyon na ibibigay galing sa special power ni presidente duterte ay necessary and proper” ani League of Provinces of the Philippines President, Gov. Presbitero Velasco Jr.

Si Gov. Velasco ay dating mahistrado ng korte suprema.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: