Kaso ng COVID-19 kada araw sa Metro Manila, bababa pa pagpasok ng Nobyembre -DOH

by Erika Endraca | October 11, 2021 (Monday) | 5212

METRO MANILA – Hindi artificial decline ang nakikitang pagbaba ng COVID-19 cases sa Pilipinas ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon pa sa kagawaran, asahan pa ang patuloy na pagbaba nito partikular na sa Metro Manila sa simula ng buwan ng Nobyembre.

“So, if we will look at our daily cases, we will be averaging about 1,100 cases by Nov.15 daily cases dito sa National Capital Region. Kung maipagpapatuloy po natin ang pag-kontrol nitong transmission nitong sakit na ito sana po tayo ho lahat nagho- hope by christmas time magkakaroon tayo ng mas maluwag na classification and restrictions.” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Ngunit bagamat pababa na ang kaso sa bansa, patuloy na paalala ng kagawaran na huwag magpakakampante ang publiko.

Lalo na at mayroon pa ring 4 na rehiyon sa bansa na nasa high risk. Mahigit 70% na okupado ang healthcare system ng mga ito. Kabilang na ang cordillera administrative region, cagayan valley, Zamboanga Peninsula at Mimaropa.

High- risk din ang ICU capacity ng 4 na rehiyon, kabilang ang Caraga.

“Kailangan maintindihan ng ating mga kababayan na while the cases are going down, ang hospital po talaga nahuhuli sa pag-decongest because these individuals na nasa hospitals specifically sa ICU mas matagal po sila. Naglalagi sa ospital, it can be 21 days or more. Kaya mas mabagal po nating mapagdi-decongest ang ating mga ospital” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Samantala, nitong Sabado at Linggo umabot sa mahigit 11,000 ang naitalang mga bagong kaso. Sa kabuuan 2,666,562 ang Covid-19 cases sa Pilipinas . 2.5 million naman ang naka- recover na at 39,624 ang nasawi.

Ang positivity rate sa bansa bumaba na rin sa 15.9% kumpara sa mahigit 20% nitong mga nakalipas ng mga Linggo.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,