Kaso ng COVID-19 kada-araw sa bansa, posibleng bumaba sa 500 bago matapos ang taon — Octa Research

by Radyo La Verdad | November 18, 2021 (Thursday) | 3718

METRO MANILA – Bumubuti na ang COVID-19 situation sa bansa batay sa monitoring ng Octa Research Group.

Ayon sa Independent Research Team, pumapatag na ang COVID-19 cases sa Pilipinas, kung saan hindi na sumasampa sa 2,000 ang mga kasong naitatala sa mga nakalipas na araw.

Noong Martes, nakapag-tala na lamang ang Pilipinas ng 849 na mga bagong kaso na pinakamababang bilang mula noong December 28, 2020.

Bahagya lamang itong tumaas kahapon matapos makapagtala ng nasa 1, 190 new daily cases.

Gayunpaman, ayon sa Octa Research, bumaba ng 10% ang one-week growth rate o nasa 1,809 na lamang mula sa 2,005 na 7-day average cases.

Habang nasa 0.42 na lamang ang reproduction number at nasa 4 % naman ang positivity rate.

Sa isang tweet sinabi ni Prof. David na kung magtutuloy-tuloy lang ang pagsunod ng publiko sa minimum public health standards….

Mas bababa pa hanggang sa 500 ang kaso ng COVID-19 na maaaring maitala sa bansa sa Disyembre.

Ngayong sinimulan na rin ang pagbabakuna ng booster shot, tiwala ang Octa Research Group na malaki ang maitutulong nito para maiwasan ang COVID-19 surge sa hinaharap.

Pero kahit bumaba na ang mga kaso, kailangan pa rin umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpasok sa pilipinas ng mga biyaherong nagmumula sa United Kingdom kung saan laganap ngayon ang mga kaso ng delta plus variant.

Nauna nang iniulat ng Department of Health (DOH) na sa ngayon ay wala pa namang naitatalang kaso ng Delta Plus Variant sa Pilipinas.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,