Kaso laban sa tinaguriang “Haran 15”, pinababawi sa DOJ

by Radyo La Verdad | July 15, 2016 (Friday) | 1568

RODERIC_HARAN
Hinimok ng tinaguriang “Haran 15” ang Department of Justice na bawiin ang kasong kidnapping at serious illegal detention na isinampa sa kanila kaugnay ng umano’y pagdukot at sapilitang pagkulong sa may pitong daang Lumad sa Haran Evacuation Center sa Davao City.

Ang “Haran 15” ay binubuo ng mga human rights advocates na tumulong upang makalikas ang mga Lumad mula sa kaguluhan sa kanilang pamayanan sa Davao del Sur at Bukidnon.

Una nang dinismiss ng Davao City Prosecutor’s Office ang kaso ngunit binaliktad ito ng DOJ at isinampa ang kaso sa Davao City RTC.

Ayon sa kanilang abogado, nakipagpulong sila kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre upang hilingin na i-urong ang demanda lalot na’t binawi na ng mga complainant ang kanilang akusasyon.

Sinabi ni Atty. Manuel Quibod na nangako si Sec. Aguirre na rerebyuhin ang kaso at posibleng maresolba ang kanilang motion for reconsideration sa susunod na linggo.

May nakabinbin nang arrest warrant laban sa “Haran 15” ngunit sinuspende ng Davao RTC ang implementasyon nito hanggang sa August 1 habang hinihintay na maresolba ang kanilang apela sa DOJ.

Pinatitingnan naman ng grupong bayan muna sa DOJ ang iba pang mga kasong isinampa sa mga human rights advocates sa Mindanao.

Ayon sa grupo, mahalagang matigil na ang kaguluhan at mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao doon dahil marami pa rin sa mga Lumad ang hindi pa nakababalik sa kanilang pamayanan.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,