Isang araw bago ang ikalawang taon ng madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Pormal nang inihain ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang kaso laban sa mga personalidad na nasa likod ng operasyon na ikinasawi ng apatnapu’t apat na miyembro ng PNP -Special Action Force.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating PNP Chief Alan Purisima, dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas at siyam na iba pang police officials.
Kasong graft at usurpation of authority ang kakaharapin ng mga akusado, bukoad pa sa kasong administratibo gaya ng grave misconduct at gross neglect of duty and conduct prejudicial to best interest of the service.
Ayon sa Ombudsman, ang aktibong partisipasyon ni Purisima sa “Oplan Exodus” bagamat siya ay under preventive suspension noong panahong iyon ay isang malinaw na paglabag sa PNP Chain of Command.
Nilabag rin umano ni Napeñas ang batas nang sundin nito ang utos ng isang suspendidong PNP Chief nang walang pagsang-ayon o pahintulot mula sa dating OIC ng PNP na si General Leonardo Espina.
Ang dalawa ay naalis na sa serbisyo matapos ang insidente.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)
Tags: Kaso laban sa mga sangkot sa Mamasapano encounter, pormal nang inihan ng Ombudsman sa Sandiganbayan