Kaso kaugnay ng 2013 Zamboanga Siege, hindi mababalewala kahit matuloy ang dayalogo nina Pangulong Duterte at Nur Misuari-Mayor Climaco

by Radyo La Verdad | July 27, 2016 (Wednesday) | 2387

zamboanga
Positibo ang pamahalaan ng Zamboanga City na may magandang plano si Pangulong Rodrigo Duterte sa isinusulong nitong dayalogo para sa kapayapaan sa iba’t ibang armadong grupo sa Mindanao.

Ayon kay City Mayor Beng Climaco, dapat munang bigyan ng pagkakataon ang pangulo na isulong ang kanyang mga programa bago ito batikusin ng mga kritiko.

Magugunitang inihayag ni Pangulong Duterte ang planong kausapin si Moro National Liberation Front Chairperson Nur Misuari at iba pang kinatawan ng mga armadong grupo para sa pagsisimula ng peace process.

Bagaman si Misuari ang itinuturong utak sa pagsalakay sa Zamboanga City noong 2013, naniniwala ang lokal na pamahalaan na hindi mababalewala ang inihain nilang kaso sa ilang miyembro ng MNLF kapag natuloy ang dayalogo.

Noong nakaraang linggo ay nakausap ni Pangulong Duterte ang mga lokal na opisyal ng Zamboanga City ngunit hindi natalakay ang 2013 siege issue dahil umalis agad ang Pangulo pa-Basilan para sa kanyang unang tour of military bases.

(Dante Amento/UNTV Radio)

Tags: