Kasaysayan ng mga bayaning nakipaglaban para sa kalayaan, dapat magsilbing inspirasyon – NHCP

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 3719

Sa gitna ng maraming hamon sa Pilipinas sanhi ng pulitika o hagupit ng kalikasan, hindi maikakailang nananalaytay pa rin sa dugo ng maraming mga Pilipino ang patriotismo o pagiging makabayan.

Para sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ito ang isa sa mga katangian ng mga Pilipino na dapat mapanatili lalo na ng kasalukuyang henerasyon.

Ito ay sa pamamagitan na rin ng pagbabalik-tanaw sa mga ipinaglaban ng mga Pilipinong bayani upang makamtan lamang ang kalayaan ng bansa. Ito rin ang pinakatema ngayon ng paggunita sa Araw ng Kasarinlan.

Pagdating sa inspirasyon ng pakikipaglaban, hindi rin naman pahuhuli ang mga Pilipino tulad na lamang ng mga itinuturing na mga bagong bayani na patuloy na nakikipagsapalaran at nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa pamilya at maging sa bayan.

Ang isang ina o ama na itinatawid sa araw-araw sa gutom ang pamilya sa gitna ng kahirapan sa buhay at mga pulis at sundalo na laging nakaamba sa panganib mapanatili lamang ang kapayapaan.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi man naka-uniporme ay napatunayan na rin nila ang pagmamalasakit sa bayan ng mga Pilipino nang ilagay ang watawat ng bansa sa ilalim ng dagat sa Philippine Rise noong nakaraang buwan.

Kasama ang mga nasa pribadong sektor tulad ng UNTV Dive Team na sumisid sa kalaliman ng dagat.

Sang-ayon naman dito ang NHCP.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,