Kasaysayan: Ano ang APEC at bakit ito itinatag?

by Radyo La Verdad | November 10, 2015 (Tuesday) | 17457

APEC
Ang ideya ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC ay pinasimulan ni dating Prime Minister of Australia Bob Hawke sa Seoul, Korea noong January 31, 1989.

Matapos ang sampung buwan, labindalawang Asia-Pacific Economies ang nagpulong sa Canberra, Australia upang buoin ang APEC.

Ang founding members ng APEC ay ang Australia, Brunei Darussalam, Canada, Indonesia, Japan, The Republic of Korea o kasalukuyan nang Republic of South Korea, Malaysia, New Zealand, The Republic of the Philippines, Singapore at the United States of America.

1991 naging kasapi ng APEC ang People’s Republic of China, Hong Kong at Chinese Taipei o Taiwan, na sinundan naman ng Mexico at Papua New Guinea noong 1993, at Chile noong 1994.

Ang Peru, Russia at Vietnam ang pinakahuling naging miyembro ng organisasyon noong 1998.

Itinatag ang APEC upang mabigyang-daan ang higit na pagpapabuti ng ekonomiya ng mga kasapi nito nangangahulugan ito ng pagpapabilis ng kaunlarang pang-ekonomiya, pagsusulong ng kooperasyon ng mga miyembro, trade liberalization at paglikha ng mga oportunidad na makapamuhunan sa Asia Pacific Region.

Sa pagitan ng taong 1989 at 1992, nagsagawa ng informal ministerial-level dialogues ang member economies.

Sa kauna-unahang pagkakataon noong 1993, nagpulong ang APEC Economic Leaders sa Blake Island, Washington at dito inilatag ang APEC vision na “stability, security and prosperity for our people.”

Dito pormal na iminungkahi ni dating US President Bill Clinton ang pagkakaroon ng taunang APEC Economic Leaders’ Meeting upang makabuo ng malawakang stratehiya, magkaroon ng direksyon at kooperasyon sa rehiyon.

Noong 1994, binalangkas ang bogor goals sa pulong ng mga kasapi ng APEC sa Indonesia.

Dito itinakda ang hangaring malaya at bukas na kalakalan at pamumuhunan sa Asia-Pacific Region

Taong 1995 nang i-adopt ng APEC ang isang istratehikong roadmap – ang osaka action agenda – sa Osaka, Japan.

Naghahain ang osaka action agenda ng isang balangkas upang makamit ang bogor goals
Binuo rin ang isang framework na tinawag na “three pillars” , na gabay sa pagkamit ng pangunahing mithiin ng APEC.

Ang tatlong haligi ay ang: (1) trade and investment liberalization, (2) business facilitation and sectoral activities, at (3) economic and technical cooperation.
1996 nag-host ng APEC Meetings sa kauna-unahang pagkatataon ang Pilipinas, sa ilalim ng administrasyon ni President Fidel Ramos

Isinagawa ang APEC World Leaders’ meeting sa Subic Bay, Zambales, mula November 24 hanggang 25.

Ilan sa world leader na dumalo ay sina US President Bill Clinton, Chinese President Jiang Zemin, Australian Prime Minister John Howard, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad.

Naging crucial milestone sa ebolusyon ng APEC ang Subic Summit noong 1996
Sa taong iyon, inadopt ng APEC ang Manila Action Plan for APEC o MAPA na ang naging basehan ay ang pinakaunang individual action plans at collective action plans ng member economies sa pagkamit ng free trade and investment goals.

Naging pangunahing layunin ng subic summit na maaprubahan at maipatupad ang iaps at caps.

Maliban sa usaping pangkalakalan at pamumuhunan, pinagtutuunan rin ng pansin ng APEC ang mga napapanahong prayoridad ng rehiyon, katulad ng paglaban sa terorismo, emergency preparedness, seguridad pantao, climate change, kaunlarang makakalikasan at pandaigdigang krisis pinansyal. (Bianca Dava/UNTV News)

Tags: ,