Karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at Benham Rise, mas palalakasin sa ilalim ng federal constitution

by Radyo La Verdad | April 20, 2018 (Friday) | 5716

May kasunduan na ang Consultative Committee tungkol pagbabagong gagawin sa probisyon ng Saligang Batas tungkol sa teritoryo ng bansa.

Kumpara sa 1987 constitution, mas palalakasin sa ilalim ng federal constitution ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, Benham Rise at iba pang teritoryo.

Batay sa panukala, isasama na sa konstitusyon ang naging hatol ng arbitral tribunal sa kaso ng Pilipinas laban sa 9-dash line ng China at ang hatol ng United Nations na nagbigay ng karapatan ng pagmamay-ari ng bansa sa Benham Rise.

Bubuhayin din ang pag-aangkin ng bansa sa Sabah o North Borneo batay sa historic rights ng sultanato ng Sulu, na inalis sa 1987 Constitution. Igigiit din ang karapatan ng mga Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal.

Pero ayon kay San Beda Law Dean Ranhilio Aquino, pwede pa ring magkaroon ng kasunduan ang Pilipinas sa ibang bansa ukol sa paglinang sa likas na yaman, ito ay sa kondisyon na hindi ito lalabag sa soberanya ng bansa.

Oobligahin na rin ang pamahalaan sa ilalim ng federal constitution na ipilit ang karapatan ng bansa sa mga nasasakupang teritoryo.

Hihingin pa ng komite ang panig ng DFA tungkol dito bago pagbotohan ang pinal na probisyong isusulat sa bagong Saligang Batas.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,