Karagdagang relief kits para sa mga residenteng maaapektuhan ng Bagyong Ompong, inihahanda na ng DSWD

by Radyo La Verdad | September 13, 2018 (Thursday) | 2996

Tuloy-tuloy ang paghahanda ng mga karagdagang relief kits ng national government para sa mga maaapektuhang residente ng Bagyong Ompong.

Sa DSWD relief operation center sa Pasay City, tig anim na libo at limandaang set ng hygiene, sleeping at family kits ang nakaset at ang iba ay ipinadala na sa Region 1 na inaasahang isa sa mga rehiyong makakaranas ng pananalasa ng bagyo.

Naglalaman ang mga ito ng mga tuwalya, underwear, t-shirt, shorts, tsinelas, kumot, banig, kulambo, malong, timba, toothpaste, sabon at iba pa.

Samantala, 6,500 sets naman ng food packs ang inihatid na rin sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Labingwalong truck na ang umalis kanina upang ihatid itong augmentation o karagdagang tulong mula sa national government.

Alinsunod sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Act, ang local government unit (LGU) ang may immediate responsibility sa pagpapadala ng relief goods sa mga apektadong lugar.

At dahil may mechanized at manual packing capacity ang relief center ng DSWD, tinatayang aabot sa nasa 50 libong kahon ng relief kit o food pack ang kaya nitong iproseso sa loob ng 20 oras.

Samantala, sakaling nais maging volunteer sa repacking ng relief items sa DSWD relief operation center, bukas ang kanilang linya ng komunikasyon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,