Karagdagang pasilidad, kinakailangan para sa mga kukupkuping street children – Social Welfare Acting Secretary Orogo

by Radyo La Verdad | June 28, 2018 (Thursday) | 8228

Hindi sapat ang mga pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang patuluyin ang lahat ng mga menor de edad na pagala-gala sa lansangan at walang maaayos na matuluyan.

Ayon kay Social Welfare Acting Secretary Virgina Orogo, 72 lamang ang DSWD centers sa buong bansa at karamihan sa mga kinukupkop dito ay mga senior citizen.

Kasalukuyang dinadagdagan ang bed capacities sa mga lugar na ito para sa mga kabataang kinakailangang kupkupin. Kaya ang panukala ng DSWD, magdagdag ng mga pasilidad mismo sa mga barangay na tatawaging “Silungan sa Barangay.”

Inumpisahan na ng DSWD na makipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para rito. Kasunod ito ng direktiba na rin ni Pangulong Duterte sa mga tauhan ng pulisya at barangay na ipunin ang mga menor de edad na pagala-gala sa mga lansangan tuwing dis oras ng gabi upang maiiwas sila sa krimen at iligal na droga.

Subalit, iti-turn over din sa kanilang pamilya ang mga ito kinaumagahan.

Panukala rin ng DSWD, magkaroon ng kahit isang social worker sa bawat barangay sa upang matutukan ang paglingap sa mga nangangailangan.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,