Karagdagang parusa sa ‘di dadalo sa Comelec debates, hinihintay ng En Banc

by Radyo La Verdad | March 29, 2022 (Tuesday) | 7100

METRO MANILA – Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na hirap sila pagdating sa pagpapataw lalo na ng mabigat na parusa sa mga hindi dadalo sa inorganisa nilang debate.

Sa ngayon kasi ay wala pang batas hinggil dito. Ngunit ayon kay Commissioner George Erwin Garcia, inatasan na ng Comelec En Banc ang kanilang Law Department at Education and Information Division na pag-aralan ang mga pwede pang maipataw na parusa para sa hindi sisipot sa debate.

Pagkatapos nito ay isisumite sa En Banc para mapag-usapan at maaprubahan.

Kaugnay nito, hindi naman suportado ng komisyon ang one-on-one debates.

Paliwanang ni Comm. Garcia, hindi ito magiging patas sa ibang kandidato.

Mahalaga na makita ang mga kandidato na magsama-sama para magkaroon ng pagakataong makasagot at mailahad ang programa at plata porma de gobyerno.

Samantala, inaasahan na mapapabilis na ang aplikasyon para sa gun ban exemption at pagkakaroon ng security sa panahon ng eleksyon.

Aalisin na ng Comelec ang maraming requirement dahil alam nila ang pangangailangan ng ilang indibidual na ma-exempt sa gun ban at makakuha ng seguridad tulad ng mga nasa hudikatura, mga negosyante na may mataas na banta sa kanilang buhay.

Bahagi ng hakbang na ito ay i-di-decentralize ang aplikasyon o pwede na itong gawin sa mga regional office ng Comelec.

Pag-uusapan ito ng Comelec sa En Banc session nitong darating na Miyerkules (March 30) para makapaglabas na rin ng kaukulang resolusyon.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,