Kapangyarihan sa pagtatakda ng pamasahe ng mga transport network company, ipinauubaya na ng DOTr sa LTFRB

by Radyo La Verdad | June 12, 2018 (Tuesday) | 3678

Dati ay mga transport network company ang nagtatakda ng pamasahe sa bisa Department of Transportation Orders 2015 at 2017 -11.

Subalit ngayon, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang tanging may kapangyarihan na magdesisyon sa pamasaheng ipapataw ng mga transport network vehicle services (TNVS).

Alinsunod ito sa pinakabagong department order na nilagdaan ni Transportation Secretary Arthur Tugade kung saan ipinauubaya na sa LTFRB ang kapangyarihan na i-regulate ang operasyon ng mga TNC.

Samantala, sa pahayag naman na inilabas ng Grab Philippines sinabi nito hindi pa sila nakakakuha ng kopya ng bagong department order.

Pero tiniyak ng kumpanya na handa nilang sundin  ang mga regulasyon at patakaran na ipinatutupad ng DOTr at LTFRB.

Binigyang-diin rin ni Brian Cu, ang country head ng Grab PH na nagpapatunay lamang ito na lehitimo ang ipinatupad nilang two-peso per minute travel time charge dahil sa dating department order binibigyan sila ng laya na magtakda ng pamasahe basta ipagbigay alam lamang ito sa LTFRB.

Sang-ayon naman ang ilang TNVS driver na ipasa na sa LTFRB ang responsibilidad ng pagtatakda ng pasahe.

Subalit apela nila na sana ay maregulate ng maayos at maibigay sa mga driver ang kaukulang pamasahe na nararapat.

Kaugnay nito, magpapatawag ang LTFRB ng isang special meeting upang kausapin ang mga TNC at iba’t-ibang grupo ng mga TNVS hinggil sa itatakdang pamasahe.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,