Kapangyarihan ng taumbayan na mag-amyenda ng batas, konstitusyon o resolusyon, mas palalawigin sa ilalim ng panukala ng Con-Com

by Radyo La Verdad | June 8, 2018 (Friday) | 3763

Planong bigyan ng Consultative Committee ng mas malawak na kapangyarihan ang taumbayan na magbago o magtanggal ng batas o resolusyon at probisyon ng konstitusyon.

Sa kasalukuyan, kinakailangan ng pirma ng 12 porsyento ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa buong bansa para maamyendahan ang Saligang Batas, 10 porsyento para makapagbago ng isang batas at 12 porsyento naman para makapagpanukala ng ordinasa sa pamamagitan ng people’s initiative o kagustuhan ng taumbayan.

Matapos makakalap ng pirma ay isusumite ito sa Commission on Elections (Comelec) upang beripikahin.

Sa panukalang pagbabago ng Consultative Committee, mas dadali ang requirement dahil 10 porsyento na lang ng mga nasa federated regions ang kinakailangan para rebisahin ang konstitusyon, 3 porsyento para amyendahan ito at para isulong o tanggalin ang isang batas.

Ayon sa Vice Chairman ng subcommittee on the structure of federal government na si Atty. Roan Libarios, pwede na ring humingi ng legal advice ang taumbayan sa Solicitor General o sa miyembro ng Integrated Bar of the Philippines upang balangkasin ang kanilang panukala.

Ang ilang nakausap ng news team, may gusto nang baguhing mga batas ngayon pa lang.

Bagaman may mas malawak na kapangyarihan ang taumbayan, may pangamba rin na abusuhin ito.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,