Kapangyarihan ng Ombudsman, mas palalakasin sa ilalim ng federal constitution – ConCom

by Radyo La Verdad | June 29, 2018 (Friday) | 6078

Bagaman ilang opisyal na ng pamahalaan ang tinanggal at pinagbitiw sa pwesto ng Pangulo dahil sa pagkakasangkot sa kurapsyon, nananatili pa rin umano itong isang balakid sa pagkamit ng malinis na gobyerno hanggang ngayon.

Kaya’t kung sa kasalukuyan, kapangyarihan lamang na mag-imbestiga at umusisa ng reklamo laban sa isang opisyal, empleyado o ahensya ng pamahalaan ang hawak ng Ombudsman.

Ngayon ay kasama sa panukala ng consultative committee (ConCom) na bigyan ng mas malawak na kapangyarihan para suspendihin ang mga tiwaling kawani sa ilalim ng federal constitution. Plano rin ng ConCom na itaas ang Ombudsman bilang isang federal commission.

Sa ilalim ng panukala, maglalagay ng tig-isang associate ombudsman sa Luzon, Visayas, Mindanao at Metro Manila.

Magkakaroon na rin ng Deputy Ombudsman sa bawat federated region. Sa paraang ding ito mapapadali ang imbestigasyon at prosekusyon sa mga kaso at para maiwasan ang pagkabinbin o delay sa pagresolba sa mga ito.

Samantala, tiwala pa rin ang komite na maisusumite sa Pangulo ang kopya ng binubuong panukalang pagbabago sa Saligang Batas sa ika-9 ng Hulyo, kung saan magsasagawa ng final en banc vote sa ika-3 at 4 ng Hulyo at ipapaliwanag ng mga miyembro ang rason sa likod ng pagboto sa mga probisyong kanilang inilatag.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,