Kandidato na hindi dadalo sa Comelec debates, magkakaroon ng parusa

by Radyo La Verdad | March 8, 2022 (Tuesday) | 5312

METRO MANILA – Nakatakda ang unang round ng national debates na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) sa March 19, 2022 mula alas-7 hanggang alas-9:30 ng gabi sa Sofitel hotel sa Pasay City.

Susundan naman ito ng mga Vice Presidential Candidate kinabukasan, March 20 sa kaparehong venue.

Pagkatapos nito, magkakaroon muli ng presidential debate sa April 3, ngunit hindi kasama ang mga bise presidente.

Samantala, ang pangatlo at huling round ng Comelec o town hall debates ay sa huling linggo na ng Abril.

Mauuna na ang Vice Presidential Candidates sa April 23 at kinabuksan April 24 ay ang mga Presidentiable.

Kaugnay nito, ayon sa Comelec, ang kandidatong aatras o hindi dadalo sa kanilang debate ay magkakaroon ng parusa.

Hindi na ito papayagan na makasama sa kanilang isinasagawang e-rallies hanggang sa matapos ang halalan.

Kaya, naniniwala ang komisyon na ma-oobliga ang mga kandidato na dadalo rito.

Ayon kay Comelec Acting Chairman Socorro Inting, walang ibang layunin ang debate kundi ang mabigyan ng pagkakataon ang mga botante na maihahambing nila ang bawat kandidato sa iba.

Sa pamamagitan nito ay makapamili ang taumbayan ng mga karapat-dapat na lider ng ating bansa sa mga susunod na taon.

“Wala pong ibang layunin ang debateng ito kundi matulungan ang ating mga botante ma malaman kung saan kayo tumatayo sa iba’t ibang isyu na kinakaharap ng ating lipunan at kung ano ang inyong mga plano upang masolusyunan ang mga ito.” ani Comelec Acting Chairman, Socorro Inting.
Lahat ng kandidato ay inimbitahan sa debate, at inaasahan na sa linggong ito ay malalaman ng Comelec ang commitment ng mga ito. Tiniyak naman ng poll body na maging patas ang debate sa lahat ng kandidato.

Walang lalabas na tanong in-advance liban na lang sa mga general topic na inaasahang tatalakayin.

Sa unang round ng Comelec debates ay walang live audience at isang moderator lang din ang magtatanong sa mga kandidato.

Ang mga tanong ay maaaring manggaling sa iba’t ibang grupo.

Samantala isang Memorandum of Agreement (MOA) ang nilagdaan ang Comelec sa Vote Pilipinas na partner ng komisyon sa information dissemination at production ng debates.

Pagtitiyak ng grupo wala silang foreign investor dahil labag ito sa batas.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,