Kampo ni Vice President Jejomar Binay, ikina-dismaya ang pagbasura ng Ombudsman sa kanilang inihaing motion for reconsideration

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1332

vp-binay
Muling tinawag na biased at partial ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ang Ombudsman matapos nitong ibasura ang motion for reconsideration na kanilang inihain kaugnay sa kaso ng overpriced Makati City hall Parking Building 2.

Ayon sa kampo ni Binay, sobra-sobra na aniya ang panggigipit kay Vice President Binay at sa kanyang pamilya.

Dagdag pa ni Joey Salgado, ang resolusyon na ito ng Ombudsman ay malinaw na politika lang. Aniya, nung nakaraang taon, tiniyempo ng Ombudsman ang paglabas ng resolusyon laban kay VP Binay sa araw na naghain ito ng kaniyang Certificate of Candidacy, at ngayon naman aniya, isa na namang resolusyon ang nilabas ng Ombudsman kung kailan ilang araw na lang ay simula na ang opisyal na kampanya at kung kailan muling tumaas ang rating ng bise presidente.

Tahasang sinabi ni Salgado na ang aksyon na ito ng Ombudsman ay upang paburan ang Liberal party at ang pambato nila na si Mar Roxas.

Samantala, kaugnay ng pagbasura sa MR ng kampo ni VP Binay, inatasan rin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na pagtibayin ang desisyon na masampahan ng kasong kriminal sina Vice President Jejomar Binay at kaniyang anak na si Mayor Junjun Binay dahil sa umano’y overpriced parking project.

Pinaboran naman ito ng Malacañang at sinabing dapat na manaig ang batas at maipagpatuloy ang daang matuwid gaya ng isinusulong ng administrasyon upang manumbalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.

(Meryll Lopez / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,