Kampo ni Sen. Poe iginiit na dismissable ang 3 petisyon na nakahain sa Comelec

by Radyo La Verdad | November 26, 2015 (Thursday) | 1211

ATTY-GEORGE-ERWIN-GARCIA
Tatlong petisyon ang magkakasabay na dininig ngayon myerkules ng Comelec 1st Division na kumukwestyon sa kandidatura sa pagka-pangulo ni Senator Grace Poe.

Ito ay ang disqualification petition na isinampa ni dating Senador Kit Tatad at ang petitions to deny due course or cancel COC na magkahiwalay na inihain ni Political Science Professor Antonio Contreras at dating UE College of Law Dean Amado Valdez.

Kinukuwesityon ng tatlong kaso ang citizenship at residency requirement sa bansa ni Poe.

Ayon sa abugado ni Tatad na si Attorney Manuelito Luna, hindi natural born Filipino citizen si Poe bilang isang foundling dahil hindi kilala kung sino ang kaniyang mga magulang.

Naniniwala din ang tatlong petitioner na kulang si Poe sa 10-year residency requirement upang tumakbong pangulo batay sa panahon kung kailan nito na re-acquire ang Filipino citizenship noong July 2006.

Kung pagbabatayan din ang 2012 COC nito nang tumakbong senador kung saan sinabi ni Poe na 6 years and 6 months na siyang naninirahan sa Pilipinas sa araw ng halalan noong 2013 lalabas na kulang pa rin siya sa 10 year residency requirement sa May 9 2016.

Ngunit sa kaniyang pagharap sa mga miyembro ng Comelec 1st Division iginiit ng abugado ni Senator Poe na dismissible ang tatlong petisyon.

Ayon kay Attorney George Garcia, ang mga inilatag na dahilan ni Sen. Tatad sa kanyang petisyon upang idiskwalipika si Poe ay hindi na saklaw ng Comelec.

Dismissable din aniya ang petisyon nina Valdez at Contreras dahil hindi naman nito pinatutunayan na may material misrepresentation o intensyunal na pagsisinungaling na ginawa ang respondent na si Senator Poe.

Ngunit ayon kay Professor Contreras bukod sa hindi tama ang inilagay ni Poe na bilang ng panahon ng paninirahan sa Pilipinas sa kaniyang COC, may ilang pagkakataon pa na gumawa ng misrepresentation si Poe.

Pagkatapos ng pagdinig ngayon myerkules, binigyan ng hanggang December ang makabilang panig upang magsumite ng kanilang memoranda pagkatapos ay submitted for resolution na ang mga kaso.

Kahit may inilabas nang pasya ang Senate Electoral Tribunal kaugnay naman ng disqualification case ni Poe sa pagka-senador, para sa Comelec 1st Division hindi ito ang magiging basehan ng kanilang magiging desisyon.

Samantala submitted for resolution na ang isang pang petisyon laban sa kandidatura ni Poe sa pagkapangulo na dinidinig ng 2nd Division ng Comelec. (Victor Cosare/UNTV News)

Tags: , , ,