Kampo ni Napoles, naniniwalang maaaring mapapawalang-sala sa kasong isinampa laban sa kaniya kaugnay ng PDAF scam

by Radyo La Verdad | September 15, 2015 (Tuesday) | 1288

IMAGE_UNTV-News_JAN242014_JANET-LIM-NAPOLES
Naniniwala ang abugado ni Janet Lim Napoles na si Atty. Stephen David na malaki ang posibilidad na madismiss ang mga kasong kinakaharap ni Napoles sa Sandiganbayan kaugnay ng PDAF scam.

Ayon sa abugado, matapos na aminin ng prosekusyon kahapon sa oral summation ng motion to bail hearing ni Napoles sa Third division ng Sandiganbayan na walang ebidensyang makakapagpatunay na tumanggap ng kickbacks o komisyon si Sen. Juan Ponce Enrile na nagkakahalaga ng 172.8 million pesos mula kay Napoles, ibig sabihin, wala ring ebidensya ang prosekusyon laban kay Napoles.

Dagdag pa ni David, kung walang batayan ang kasong isinampa sa itinuturing na pangunahing public officer na inaakusahan ng plunder at graft, mas wala ring batayan upang kasuhan ng paglustay ng kaban ng bayan ang isang private individual na tulad ni Napoles.

Kamakailan, pinagbigyan ng korte suprema si Sen. Enrile na makapagpiyansa at pansamantalang makalaya, dahil sa pagpalya ng prosekusyong tukuyin ang partikular na mga akusasyon at detalye ng kaso laban sa senador o ang tinatawag na bill of particulars.(Rosalie Coz/untv correspondent)

Tags: ,