Kampo ni Christine Dacera, naniniwalang may cover-up

by Erika Endraca | January 14, 2021 (Thursday) | 10851

METRO MANILA – Nakasilip ng pag-asa ang pamilya Dacera sa nakuhang bagong ebidensya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinahayag ng NBI na nakakuha sila ng urine sample sa katawan ni Christine taliwas sa lumabas na resulta ng PNP autopsy na walang laman ang urinary bladder nito.

Ayon kay Atty. Brick Reyes, sa pamamagitan ng urine sample ay malalaman kung talagang pinainom ng ilegal na droga si Christine.

“ Naniniwala sila that Christine was drugged, nabigyan ng droga against her will and eventually she was sexually molested” ani Dacera Family Spokesperson, Atty. Brick Reyes.

Naniniwala din ang pamilya Dacera na may cover up sa panig ng mga respodent sa kaso.

“They believed that there was a cover-up, at tsaka hinihintay namin iyong second autopsy na hiningi namin dahil sa dinidispute ng pamilya ang resulta ng unang autopsy,” ani Dacera Family Spokesperson, Atty. Brick Reyes.

Sa resulta aniya ng forensic test malalaman ang katotohanan sa mga alegasyon at makikilala kung sino talaga ang suspek.

Hindi pa kasi aniya lumulutang sa mga otoridad ang mga kalalakihan sa room 2207 maging ang isang nagngangalang Mark na nabanggit ni Christine sa kanyang kaibigan na mistulang may inilagay sa kanyang inumin.

Kaugnay nito sinabi ni Atty. Reyes na nais din ng pamilya ni Christine na humingi ng tulong sa mga mambabatas upang muling pag aralan ang anti rape law sa bansa.

“ I think there is a need for a study on the possible amending the law so that we will add the use of this sexual drugs as a ground for same probable cause, I think maraming nabiktima nitong droga na hindi na nagreklamo” ani Dacera Family Spokesperson, Atty. Brick Reyes.

Samantala, hiniling naman ng PNP sa piskalya na ipagpaliban ang preliminary investigation sa January 27, habang hinihintay pa nila ang resulta ng dna analysis, toxicology / chemical analysis, histopath examination at laboratory result mula sa makati medical center kung saan dinala si Christine noong Jan.1.

Tumanggi naman na magbigay pa ng dagdag na mga pahayag ang kampo ni Christine partikular ang nanay nito , maging ang PNP kaugnay sa kaso.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,