Kampo ng itinuturong recruiter ni Mary Jane Veloso, naghain ng kanilang counter affidavit sa DOJ

by dennis | May 20, 2015 (Wednesday) | 1222

COUNTERAFFIDAVIT

Nakapagsumite na ng kanilang counter affidavit ang kampo ng itinuturong recruiter ni Mary Jane Veloso na si Maria Christina Sergio sa Department of Justice (DOJ) kaninang pasado alas-2:00 ng hapon.

Kasama sa kanilang inihain ang affidavit ng labingisang testigo sa panig ng mga akusado na sina Efren Reyes, Proferia Aquino, Anastasia Dizon, Lanie Matangat, Severino Dela Cruz, Maria Nimfa Garcia, Monina Soriano, Simeon Nacilla, Nelia Dela Cruz, Jovita Villamar, at Flordeliza del Prado na siyang hindi nakarating upang manumpa sa harap ni Assistant State Prosecutor Susan Azarcon.

Isinalaysay ni Sergio ang mga pangyayari kung paano nila nakilala ang dalawang lalaki na may alyas Ike at John sa isang restaurant sa Malaysia. Nagpumilit umano ang mga ito na makipagkilala sa kanila.

Nauna umanong bumalik si Sergio sa hotel upang gumamit ng banyo. Nang dumating si Veloso sa kanilang kuwarto, napagalaman na lamang niya na ibinigay ni Mary Jane ang contact number nito sa mga lalaking nakilala sa kainan at inalok pa umano ito ng trabaho.

Dagdag pa ni Sergio, umalis nang walang paalam si Mary Jane sa hotel dala ang kaniyang mga bagahe. Iyon na rin umano ang huling araw na nagkausap sila ni Veloso sa cellphone.

Sa kabilang banda, naniniwala pa rin si Sergio na walang kasalanan si Mary Jane sa kasong drug trafficking at biktima lamang umano ang Pinay dahil sa pagnanasang makatulong sa kaniyang pamilya.

Giit pa niya na tumulong lamang siya kay Veloso upang magkaroon ng trabaho sa ibang bansa at nangutang pa umano ito sa kaniya ng pamasahe papuntang Malaysia.

Ayon naman sa abogado ng akusado na si Atty. Howard Areza ng Public Attorneys Office (PAO), walang katotohanan ang balitang miyembro ang kaniyang kliyente ng anumang sindikato ng droga at itinangging kilala rin nito sina “Ike” at “John”.

Sa darating na Lunes, May 25 ay inaasahang sasagot ang kabilang panig sa inihaing affidavit ng mga akusado.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)