Kampanya para sa smoke-free schools sa bansa, paiigtingin ng DEPED

by Radyo La Verdad | August 2, 2017 (Wednesday) | 5471

Nais makatiyak ng Department of Education na 100% smoke free ang loob at labas ng bawat paaralan sa bansa.

Ito ang pangunahing layunin ng paglulunsad ng eskwela ban sa sigarilyo project. Ang naturang proyekto ay inaasahang magpapaigting pa sa DEPED order no. 48 na inilabas noong 2016.

Sa ilalim ng Department Order, kailangang maipa-unawa sa mga mag-aaral maging sa mga guro at non-teaching personnel and staff ng masamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo.

Bukod sa paninigarilyo, kasama rin sa ipagbabawal sa mga paaralan ang advertising materials ng tobacco companies gaya ng posters, t-shirts at iba pa. Hindi rin pinahihintulutan ang pakikipag-ugnayan ng mga paaralan sa tobacco industry.

Bukod dito, bawal din ang pagbebenta ng sigarilyo, isan daang metro mula sa paligid ng mga eskwelahan.

Ang Child Protection Committee ng bawat barangay ang may obligasyong magsumbong ng mga ganitong paglabag sa Local Government Units sa pangunguna na rin ng mga principal sa eskwelahan upang agad na maaksyunan.

 

(Bernard Dadis / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,