Kampanya kontra mga abusado at isnaberong taxi driver, paiigtingin ng LTFRB ngayong holiday season

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 8557

Muling nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga pasaway na taxi driver ngayong holiday season.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, sa Lunes ay muli nilang ilulunsad ang ‘Oplan Isnabero’ kung saan mas paiigtingin ng ahensya ang panghuhuli sa mga taxi driver na nangongotrata at tumatanggi sa mga pasahero.

Ang hakbang na ito ng LTFRB ay tugon sa inaasahang pagdagsa ng nga pasahero na magpupuntahan sa mga mall at iba’t-ibang pasyalan ngayong holiday season.

Babala ng LTFRB, papatawan ng limang libong pisong parusa ang mahuhuling taxi driver para sa unang paglabag. Sampung libong piso sa ikalawang paglabag, habang labing limang libong piso naman at suspensyon ng prangkisa ang ipapataw sa ikatlong paglabag.

Sa datos ng LTFRB, simula Enero 2017 hanggang ika-27 ng Nobyembre ngayong taon, mahigit pitong daan na mga reklamo na ang kanilang natanggap dahil sa overcharging at higit isang libo at tatlong daang sumbong naman laban sa mga isnaberong taxi driver.

Aminado ang LTFRB na kulang ang kanilang mga tauhan upang mahigpit na maipatupad ang Oplan Isnabero.

Kaya naman makikipagtulungan ang LTFRB sa security ng mga mall at bus terminal upang madisplina ang mga pasaway na taxi driver.

Istriktong minomonitor rin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga pasaway na taxi sa airport.

Banta ni MIAA General Manager Eddie Monreal, hindi na papayagang pumasada sa loob ng airport at sasampahan ng kaukulang reklamo ang mga mahuhuling nagsasamantala sa mga pasahero.

Para sa mga may nais na ireklamo, maaring makipag-ugnayan sa LTFRB Hotline Number 1342. Maaring rin magpadala ng mensahe sa LTFRB official facebook o sa kanilang email sa complaint.ltfrb.gov.ph@gmail.com.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,