Pagkamit ng hustisya, kailangan upang makausad na ang bansa – Pnoy

by Radyo La Verdad | July 27, 2015 (Monday) | 3189

ECONOMY AND INVESTMENT
Malinaw ang mensahe ni Pangulong Benigno Aquino The Third sa kanyang huling SONA: kailangang makamit ang katarungan laban sa mga dating opisyal ng pamahalaan na nasangkot sa katiwalian upang makausad na ang bansa.

Muling binalikan ng pangulo kung paano siya naluklok sa pwesto noong 2010 sa gitna ng mga panawagan na pangunahan niya ang kampanya laban sa katiwalian.

Ito aniya ang naging pundasyon ng kanyang pamamahala sa loob ng nakalipas na limang taon.

Tinukoy ng pangulo ang mga umano’y untouchables sa pamahalaan na nag aakalang hindi sila magagalaw kahit may mga katiwaliang ginagawa.

Ngunit sa ilalim aniya ng “Daang Matuwid” ay hindi naging ligtas ang mga ito.

Ginawang halimbawa ng pangulo ang pagkakatanggal sa pwesto kay dating Chief Justice Renato Corona matapos ma impeach at mahatulang guilty ng Senado dahil sa di pagdedeklara ng lahat niyang yaman sa kanyang SALN.

Nabanggit din ng pangulo ang pagsasampa ng kaso kay dating Pangulong Gloria Arroyo na kasalukuyang nahaharap sa kasong Plunder kaugnay ng anomalya sa 366 million pesos na pondo ng PCSO.

Ngunit ayon sa pangulo, kailangang makamtan ang hustisya upang tuluyan nang maka move on o maghilom ang bansa mula sa mga katiwalian ng nagdaang administrasyon.

Sa ngayon ay nahaharap sa labindalawang kaso ng Tax Evasion si dating Chief Justice Renato Corona.

Nabasahan na ito ng sakdal sa anim na kaso sa Court of Tax appeals ngunit muling naipagpaliban kanina ang arraignment nito sa anim pang kaso dahil sa di nito pagsipot sa pagdinig.

Samantala, nagpasya naman ang Sandiganbayan nitong nakaraang Abril na ituloy ang paglilitis sa kasong Plunder ni Dating Pangulong Arroyo.

Tags: ,