Noong panahon ng kampanya, three to six months ang unang self-imposed deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Nang maupo sa puwesto, dinagdagan pa niya ng anim na buwan ang deadline para masawata ang suliranin sa illegal drugs.
Ngunit sa lalim aniya ng problema ng bansa sa ipinagbabawal na gamot, hindi sapat ang isang taon para tuluyan itong masawata.
Sa isang press briefing sa Malacañang kagabi, sinabi ng pangulo na papalawigin niya hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa taong 2022 ang umiiral na giyera kontra iligal na droga.
Ayon sa pangulo, hindi niya akalaing napakalalim na pala ng suliranin ng Pilipinas bawal na droga at nakita niya lamang ito nang siya ay maging pangulo ng bansa.
Bukod sa extension sa anti-drug war, iniutos rin ng pangulo sa pnp ang pagrepaso sa kanilang personnel record, partikular na sa mga pulis na ilang ulit nang nasasangkot sa mga krimen.
Binuwag na rin ng PNP ang mga Anti-Illegal Drugs Unit nito na nagagamit sa katiwalian ng ilang pulis matapos ipag-utos ng pangulo.
Kumpiyansa si Pangulong Duterte na hindi na makakapag-operate ang mga tiwaling pulis na sangkot sa illegal drug trade at iba pang kriminalidad.
(Aga Caacbay / UNTV Correspondent)
Tags: Kampanya kontra iligal na droga, pinalawig ni Pangulong Duterte hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino